Malacañang: U.S walang pakialam sa pagbili ng AFP ng mga armas sa Russia

Inquirer file photo

Minaliit lamang ng Malacañang ang banta ng U.S na papatawan ng parusa ang Pilipinas kapag nagpatuloy pa sa pagbili ng grenade launchers sa blacklisted na kumpanyang Rosoboronexport na pag-aari ng gobyerno ng Russia.

Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, bilang isang international law professor ay hindi niya maintindihan kung may hurisdiksyon ang U.S na pakialaman ang Pilipinas na mayroong sariling soberenya.

Buwan ng Agosto ng lagdaan ni U.S President Donald Trump ang isang batas na magpapataw ng sanctions sa anumang kaalyadong mga bansa na may transaksyon sa defense at intelligence sector ng Russia.

Ayon kay Roque, isa itong halimbawa ng transnational at extraterritorial legislation ng U.S.

Hindi naman matukoy ni Roque kung itutuloy pa ng Pilipinas ang pagbili ng armas sa Russia.

Sa ngayon aniya ay inaaral pa ng pamahalaan ang naturang proyekto.

Sinabi ng opisyal na sa Russia bibilhin ang mga armas, sa Russia manggaling ang produkto, sa pilipinas idi-deliever kung kaya hindi niya makita ang lohika na may lalabaging batas ang Pilipinas sa Amerika.

 

Tinatayang aabot sa P400 Million pesos halaga ng 750 piraso ng RPG 7B rocket propelled grenade launchers na bibilhin ng AFP sa Russia.

Read more...