DOH muling nagpaalala sa pag-iwas sa sakit ngayong tag-ulan
Muling nagpaalala ang Department of Health sa publiko na gumawa ng mga hakbang upang makaiwas sa sakit sa muling pag-arangkada ng panahon ng tag-ulan.
Sa kanyang pagbisita sa Barangay Apolonio Samson sa Balintawak, Quezon City kahapon, iginiit ni Health Sec. Duque ang kahalagahan ng tama at regular na pagkolekta ng mga basura.
Pinayuhan rin niya ang mga lokal na pamahalaan na pagbutihin pa ang flood control projects maging ang pagpuksa sa mga daga upang maiwasan ang paglobo ng mga kaso ng leptospirosis.
Nanawagan din ang kalihim sa mga residente na iwasan ang paglusong sa baha at kung hindi man makaiiwas ay pinayuhan niya ang publiko na gumamit ng protective gears tulad ng mga bota.
Samantala, pinayuhan din ni Duque ang publiko na sundin ang ‘4S strategy’ ng kagawaran laban sa Dengue.
Ang 4S kontra dengue ay ‘search and destroy mosquito breeding places’; ‘secure self-protection’; ‘seek early consultation’; at ‘say yes’ to fogging or spraying’ sa panahon ng outbreak.
Tiniyak ng opisyal na handa ang lahat ng ospital ng gobyerno na tumugon sa mga kaso ng leptospirosis at dengue.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.