Lumakas pa ang Bagyong Inday at isa nang Tropical Storm mula sa pagiging Tropical Depression.
Ayon sa 11PM press briefing ng PAGASA, huling namataan ang bagyo sa layong 825 kilometro Silangan ng Basco, Batanes.
Sa ngayon ay may lakas na ito ng hanging aabot sa 65 kilometro kada oras malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 80 kilometro kada oras.
Kumikilos ang bagyo sa direksyong Hilagang-Silangan sa bilis na 15 kilometro kada oras.
Inaasahang sa Sabado ng umaga, July 21, nasa labas na ng PAR ang bagyo ayon sa weather bureau.
Patuloy na hinahatak ng Bagyong Inday ang Habagat na nagdadala ng katamtaman hanggang sa paminsan-minsan ay malalakas na pag-uulan sa Ilocos Region, Cordillera Administrative Region, Zambales, Pampanga at Bulacan.
Makararanas naman ng mahihina hanggang sa katamtamang mga pag-uulan ngunit paminsan-minsan ay magiging malakas sa Metro Manila, Cagayan Valley, nalalabing bahagi ng Central Luzon, Cavite, Batangas at Laguna.
Magiging bahagyang maulap hanggang sa maulap naman ang kalangitan sa Mindanao na makararanas lamang ng mga posibleng pag-ulan bunsod ng isolated rain showers.
Samantala, nakataas ang gale warning sa Isabela, Aurora, Zambales at Bataan kaya’t pinapayuhan ang mga mangingisda na may maliliit na sasakyang pandagat na huwag munang pumalaot.