Lebel ng tubig sa Marikina river, muling tumaas

Marikina PIO

Bagaman wala nang naranasang pag-ulan sa lungsod ng Marikina ay tumaas muli sa 16.1 meters ang water level sa Marikina River.

Dahil dito, nakataas ulit ito sa 2nd alarm at todo-bantay pa rin ang mga otoridad sa sitwasyon ng mga residenteng nakatira sa palibot ng ilog.

Ayon kay Marikina City Mayor Marcelino Teodoro, naka-preposition pa rin ang kanilang mga tauhan, kagamitan at suplay lalo’t inaasahan na tatagal pa ang pag-ulan na epekto ng Habagat na pinalalakas ng panibagong Bagyong ‘Inday.’

Kaugnay nito, bagaman nabawasan na ang bilang ng mga bakwit ay posibleng magsibalikan sa evacuation centers ang mga ito dahil may panibagong sama ng panahon.

Ayon kay Mayor Teodoro, batay sa kanilang pinakahuling tala pasado alas-2:00 ng hapon, nasa 49 na pamilya na lamang o 224 katao ang nasa tatlong designated evacuation centers ngayon.

Matatandaan kagabi sa kasagsagan ng malakas na ulan ay umabot ng hanggang 16.7 meters ang antas ng tubig sa Marikina River at ipinag-utos ng pamahalaang panlungsod ang preemptive evacuation.

Bandang alas-siyete na kaninang umaga unti-unting bumaba ang water elevation sa lugar na umabot ng 15.8 meters bunsod ng paghina ng ulan.

Read more...