BREAKING: Panukalang BBL, aprubado na ng bicam

By Erwin Aguilon July 18, 2018 - 09:32 PM

Aprubado na sa Bicameral Conference Committee ang panukalang Bangsamoro Basic Law (BBL).

Ayon kay Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri, ito na ang isa sa pinakamatagal na bicam na kanilang ginawa.

Tatawagin itong Organic Law for Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao o Bangsamoro Organic Law.

Sinabi naman ni Senate Minority Leader Franklin Drilon na 56 na kapangyarihan ang ibibigay sa Bangsamoro Region na papalit sa kasalukuyang Autonomous Region in Muslim Mindanao.

Kabilang na rito ang fiscal autonomy, land reform, administration of justice system, pangangasiwa sa mga free ports at economic zones, at ang paglikha ng government-owned and controlled corporations.

Napagkasunduan sa bicam ang 75/25 na wealth sharing kung saan 75 porsyento ang mapupunta sa bangsamoro region at 25 sa national government.

Sinang-ayunan din ng bicam ang may kaugnayan sa pagboto sa plebisito ng mga registered voters ng mga lalawigan ng Lanao del Norte at North Cotabato.

Pinagpasyahan din dito ang 5 percent block grant ang awtomatikong ibibigay sa Bangsamoro Region mula sa National Internal Revenue bawat taon.

Pumayag din ang mga miyembro ng bicam sa probisyon may kaugnayan sa kapangyarihan ng Bangsamoro Parliament.

Ang reconciled version ng BBL ang inaprubahan ng komite na binubuo ng 28 members.

Naganap ang pag-apruba sa panukalang Bangsamoro Law makalipas ang 6 na araw ng debate na inabot ng hatinggabi at ilang mga pagharang.

Ang bicam ay magkatuwang na pinamunuan nina Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri at House Majority Leader Rodolfo Fariñas.

Nagkasundo ang bicameral panel sa mga pinag-debatehang probisyon ng House Bill 6475 at Senate Bill 1717.

Nakatakda namang isumite ngayong linggo ng bicam ang kanilang inaprubahang panukala kay Pangulong Rodrigo duterte para sa kanyang pagsang-ayon.

Matapos ito, raratipikahan ng Kongreso sa pagbubukas ng sesyon sa Lunes ang inaprubahang panukala at lalagdaan naman ng pangulo bago ang kanyang SONA ganap na alas kwatro ng hapon sa kaparehong araw.

Matapos malagdaan, idaraos ang plebesito sa buwan ng Nobyembre ng kasalukuyang taon at kapag naaprubahan ng Bangsamoro people ay magtatalaga naman ng bubuo sa Banngsamoro Transition Authority.

TAGS: BARMM, BBL, Bicameral Conference Committee, BARMM, BBL, Bicameral Conference Committee

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.