Garin: Ebidensya ng NBI sa Dengvaxia galing sa tsismis
Sinabi ni dating Health Sec. Janette Garin na tsismis ang basehan ng National Bureau of Investigation (NBI) sa kasong isinampa laban sa kanya kaugnay sa Dengvaxia vaccine.
Ipinaliwanag ng dating opisyal na walang ginawang imbestigasyon ang NBI bagkus ay nakuha lamang nila ang mga hawak nilang mga impormasyon sa mga naririnig na mga balita.
Idinepensa rin ni Garin na hindi naiintintihan ng NBI na ang 2015 Miscellaneous Personnel Benefit Fund (MPBF) savings na ginamit sa pondo sa Dengvaxia ay hindi galing Disbursement Acceleration Program (DAP).
Kamakalawa ay kinasuhan ng NBI ng technical malversation si Garin kasama sina dating Pangulong Noynoy Aquino at dating Budget Sec. Butch Abad kaugnay sa maanomalyang pagbili ng nasabing anti-dengue vaccine na nagkakahalaga ng P3.5 Billion.
Binanggit rin ng dating health officials na hindi nila binigyan ng malaking pabor ang kumpanyang Sanofi Pasteur para sa nasabing proyekto.
Tiwala rin si Garin na sa basurahan pupulutin ang kasong isinampa laban sa kanila dahil walang basehan ang naturang mga akusasyon.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.