LTFRB namimigay na ng cash cards sa mga PUJ driver
Ipinaalala ng Land Transporation Franchising and Regulatory Board o LTFRB sa mga jeepney operator at mga tsuper na tuluy-tuloy ang pamamahagi ng Pantawid Pasada Program cash cards.
Kahapon, bagama’t masama ang lagay ng panahon ay nagkaroon ng distribusyon ng cash cards sa punong tanggapan ng LTFRB sa Quezon City.
Ayon sa ahensya, bukas ang kanilang main office sa East Avenue sa Quezon City hanggang alas-singko ng hapon, para makuha na ng mga benepisyaryo ang kanilang cash cards na naglalaman ng P5,000 na lump sum fuel subsidy para sa taong kasalukuyan.
Para sa listahan ng mga maaaring tumanggap ng cash cards, pwedeng i-check sa kanilang website na ltfrb.gov.ph. o tawagan ang kanilang hotline na 0921 448 7777.
Nauna nang sinabi ng LTFRB na nasa sampung libong benepisyaryo ang makatatanggap ng tulong-pinansyal mula sa pamahalaan ito ay sa gitna ng pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo at paniningil ng excise tax.
Dapat sana’y noong nakalipas na linggo ang distribusyon ng cash cards, ngunit naunsyami dahil sa halip na P833 kada buwan ang bigayan ay ginawa na lamang itong P5,000 na lump sum.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.