Inilikas ang 73 pamilya o 365 indibidwal patungo sa iba’t ibang evacuation centers sa Marilao at Meycauayan, Bulacan dahil sa mga nararanasang pagbaha dulot ng Habagat.
Nailikas ang tatlumpu’t walong pamilya mula sa Brgy. Abangan Norte sa Marilao, Bulacan at dinala sa Pamantasan Dalubhasaan ng Marilao habang tatlumpu’t limang pamilya naman ang inilikas mula sa Brgy. Malhacan, Saluysoy at Caingin sa Meycauayan na dinala naman sa mga barangay hall at public schools.
Ayon sa Bulacan PDRRMC, namamahagi na ang Provincial Public Health Office ng mga gamot tulad ng doxycycline at ointment para sa mga residente ng mga apektadong lugar sa mga bayan ng Hagonoy, Marilao, Meycauayan at Obando sa Bulacan.
Ipamamahagi ang mga gamot sa mga rural health units ng mga nasabing bayan at dalawang gamot kada tao ang maibibigay sa mga residenteng apektado ng mga pagbaha.