Kanselasyon ng mga flights sa panahon ng APEC, hindi galing sa gobyerno
Walang utos ang gobyerno na kanselahin ang mga flight sa panahon na isasagawa ang Asia Pacific Economic Cooperation o APEC meeting sa November 17 to 20 dito sa Pilipinas.
Ito ang nilinaw ni Acting Metro Manila Development Authority Chairman Emerson Carlos, sa pagdinig ng House Metro Manila Development Committee ukol sa paghahanda ng pamahalaan sa APEC.
Sa pulong , tinanong ni Quezon City Rep. Winston Castelo kung magkakaroon ba talaga ng cancelled flights, dahil baka raw makaapekto ito sa ekonomiya.
Pero ayon kay Carlos, walang kanselasyon ng flights sa panahon ng APEC, taliwas sa naunang pahayag ng Cebu Pacific na magkakansela sila ng mga biyahe matapos maglabas ng advisory ang Manila International Airport Authority.
Sa naturang advisory, nakasaad pa na magpapatupad ng ‘periodic temporary runway closures’ sa Ninoy Aquino International Airport, partikular sa panahon ng arrival at departure ng mga head of state.
Dagdag ni Carlos, maaaring pinaghahandaan lamang ng mga airline companies ang matinding air traffic sa panahon ng APEC summit, kaya’t nagkansela ang mga ito ng mga flight.
Sinabi naman ni DOTC Secretary Joseph Emilio Abaya, ipauubaya na nila sa airlines ang pagpapasya kung magkakansela ng mga flight.
Aabot sa pitong libong delegado ang inaasahang makikibahagi sa APEC meeting, kabilang na ang mga head of state mula sa dalawampu’t isang bansa.
Nauna nang idineklara ng Malakanyang na walang pasok sa mga eskwelahan, maging sa mga opisina ng gobyerno sa November 17 hanggang 20.
Suspendido rin ang pasok sa private sector sa November 18 at 19.
Samantala, tiniyak ni Carlos na handang-handa na ang MMDA para sa APEC event, at sa katunayan ay magpapakalat ito ng 2,500 personnel upang magmando sa trapiko, at siguraduhin ang kaligtasan ng mga delegado.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.