Federalism idinepensa ng Con-Com sa harap ng mga senador
Sa gitna ng masamang panahon ay natuloy pa rin ang pagdinig ng Committee on Constitutional Amendments and Revision of Codes ukol sa Charter Change partikular na dito sa Draft Federal Constitution ng binuong Constitutional Commission (Con-Com).
Sa kanyang opening statement, sinabi ni committee chair Sen. Kiko Pangilinan na nais niyang mabigyan kasagutan ang apat na katanungan kung talagang gusto ba ng sambayanan ang charter change at kung makatwiran ba ito.
Kung Pederalismo lang ang paraan para umunlad ang mga lalawigan?
Bakit itinutulak ang cha-cha, kung sino ang makikinabang dito, kung agenda ba sa Cha Cha ang term extension o no elections at kung sino ang mga higit na makikinabang.
At panghuli, ano ang halaga ng draft constitution na inihanda ng komite ni dating Chief Justice Reynato Puno.
Bukod kay Puno, ilang miyembro din ng Con-Com ang dumalo sa pagdinig kabilang sina dating Senate President Nene Pimentel at dating Chief Justice Hilario Davide.
Si Senator Bam Aquino ang unang bumato ng tanong sa mga resource persons at si Puno ang tinanong niya kung dapat bang hiwalay na bumoto ang mga kongresista at mga senador sa Constituent Assembly (Con-Ass).
Sinabi ni Puno na sa kanyang personal na palagay ay dapat hiwalay na bumoto ang mga miyembro ng dalawang kapulungan ng kongreso.
Ang sagot naman dito ni Pimentel ay dapat maging hiwalay din ang botohan dahil lalamunin ng boto ng higit 280 kongresista ang boto ng 22 senador.
Hiniling naman ni Sen. Sonny Angara na malinawan siya sa magiging mandato at relasyon ng regional government sa local government units.
Sa bahagi naman ni Sen. Win Gatchalian, inihayag nito ang kanyang pangamba na sa pagkakaroon ng dalawang senador sa bawat rehiyon sa ilalim ng federal system ay baka mawala ang ‘balancing power’ ng Senado sa ehekutibo dahil parang magiging ‘parochial style of governance’ na lang ang kanilang aatupagin tulad ng mga district representatives sa Kamara.
Ang sagot naman sa kanya ni Pimentel ay hindi naman mawawala ang kapangyarihan ng mga senador na magpanukala at magpasa ng mga pambansang batas sabay punto na sa ngayon tatlo lang sa mga nakaupong senador ang mula sa Mindanao.
Ayon naman kay Puno, sa panukalang bagong saligang batas, inihalintulad niya ito sa sistema ngayon sa Amerika kung saan ang bawat estado ay may senador.
Sinabi rin ng dating mambabatas na hindi mababawasan ang national perspective ng mga senador sa gagawing pagpapalit sa sistem ng pamahalaan.
Para naman kay Davide, iginiit muli nito na hindi dapat baguhin ang 1987 Constitution.
Samantala, sa pahayag naman ni Ding Generoso na siyang tagapagsalita ng Con-Com, iginiit nito na layon ng bagong Saligang Batas na mabawasan ang kapangyarihan na hawak ng national government.
Giit nito, sa kasalukuyang unitary type of government, ang konsentrasyon ng kapangyarihan at pag-unlad ay nasa Metro Manila, Calabarzon at Central Luzon lamang at nabigo din solusyonan ang mga isyu sa lipunan, kasama na ang katiwalian.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.