Tiniyak ng National Food Authority o NFA na may sapat na suplay ng bigas sa mga rehiyon na matinding naapektuhan ng malakas na ulan, dulot man ng bagyo o Habagat.
Ayon kay NFA administrator Jason Aquino, may stock na ng bigas sa mga lalawigan lalo na sa mga calamity-prone areas o mga lugar madalas na tinatamaan ng bagyo, pagbaha at landslides.
Huwag aniya mag-alala ang mga residente lalo’t patuloy na pinagsusumikapan ng NFA na makapaghatid ng abot-kayang presyo ng bigas.
Sinabi pa ni Aquino na mayroon mga sako ng bigas na dumating sa bansa mula sa Vietnam at Thailand.
Gayunman, delayed ang pamamahagi ng NFA rice stocks sa iba pang rehiyon sa bansa dahil sa panahon ng tag-ulan.
Batay sa datos ng NFA, noong July 16 ay dumating na sa Pilipinas ang nasa 3.9 milyong sako ng bigas na galing Vietnam at Thailand habang may parating pa na dagdag na suplay sa katapusan ng buwan.