Mga residente sa tabi ng Marikina river pinalilikas na
Pinalilikas na ng Marikina City government ang mga residenteng nakatira sa tabi ng Marikina river sa mas ligtas na mga lugar.
Bago mag-alas dos ngayong hapon ay umabot na sa 16 meters ang taas ng tubig sa nasabing ilog kaya kaagad na itinaas sa ikalawang alarma para sa mga residente doon.
Sinabi ni Marikina Mayor Marcy Teodoro na kapag umabot sa 3rd alarm o 18 meter ang taas ng tubig sa ilog ay magpapatupad na sila ng forced evacuation sa mga low-lying areas sa paligid ng Marikina river.
Ipinaliwanag pa ng nasabing opisyal na nakahanda na ang mga evacuation centers sa lungsod sakaling mas tumaas pa ang tubig baha dahil sa patuloy na pag-ulan dulot ng bagyong Henry at Habagat.
Kabilang sa mga barangay na nakapaligid sa Marikina river ay ang Tumana, Malanday at Nangka.
Kabilang naman sa mga evacuation centers ay ang mga elementary schools sa nasabing mga barangay.
Bagaman suspendido na ang pasok sa mga tanggapan ng Marikina City Hall ay mananatili namang naka-antabay ang kanilang mga tauhan partikular na yung mga nakatalaga sa rescue at relief team.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.