Pumalo na sa 149 ang namatay dahil sa suicide attack na isinagawa sa election rally sa Baluchistan, Pakistan noong Biyernes.
Dahil dito, itinuturing nang isa ang naturang pag-atake sa deadliest attacks sa kasaysayan ng Pakistan.
Ayon sa mga otoridad, inako na ng Islamic State (ISIS) ang pag-atake sa rally ng Baluchistan Awami Party (BAP), kung saan nasawi ang kandidato ng naturang partido na si Siraj Raisani.
Kabilang sa mga nasawi ang siyam na mga bata, at bukod sa mga namatay ay mayroon pang 180 katao na sugatan.
Karamihan umano sa mga sugatan ay nasa kritikal na kundisyon kaya naman inaasahang madaragdagan pa ang bilang ng mga nasasawi.
Martes naman noong nakaraang linggo nang isang suicide bomber ang nagpasabog ng kanyang sarili sa rally ng Awami National Party (ANP) sa Peshawar kung saan 20 katao ang nasawi.
Bago ang dalawang mga pag-atake ay naging mapayapa ang kampanya para sa nalalapit na eleksyon sa Pakistan, kumpara sa 2013 election kung kailan 170 ang namatay.