Dead on the spot ang isang lalaki matapos itong pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang salarin sa Barangay Tonsuya, Malabon City.
Kinilala ang biktimang si Erick Piano, 23 taong gulang na residente ng Gozon Compound sa nasabing barangay.
Batay sa inisyal na pagsisiyasat ng mga otoridad, gabi ng Linggo nang habang nasa loob si Piano ng bahay ni Salvador Talatag ay dumating ang isang lalaki at pinagbabaril ang biktima sa kanyang ulo at katawan.
Matapos ang krimen ay agad na tumakas ang suspek sa hindi batid na direksyon, dala-dala ang ginamit na baril.
Narekober mula sa pinangyarihan ng insidente ang isang basyo at isang bala ng kalibre 45 baril.
Ayon sa ina ng biktima na si Aling Carlita, wala siyang alam na nakaaway ng kanyang anak na posibleng nasa likod ng pamamaslang.
Patuloy pa ang imbestigasyon ng mga otoridad tungkol sa insidente, pertikular ang motibo dito at pagkakakilanlan ng suspek.