Naging mainit na usapan ang malaking pagkakaiba ng dalawang survey groups tungkol sa performance, approval at trust ratings ng mga lider ng bansa nitong buwan ng Hunyo. Ang SWS ay ginawa noong June 27-30 samantalang mas maaga ang Pulse-Asia noong June 15-21.
Sa SWS survey na lumabas noong Lunes, bumaba ang satisfaction rating ng pangulo mula sa dating 70% noong Marso at naging 65% nitong June 18.
Pero sa Pulse-Asia survey na lumabas noong Biyernes, tumaas pa ang “performance approval rating” ng pangulo mula 80% noong March sa 88% nitong June. Sa trust ratings, si Pres. Duterte ay naging 87%, tumaas ng 9 points mula 78% noong Marso.
Tandaan natin na magkaiba ang sistema ng dalawa. Ang SWS ay gumagamit ng “net satisfaction ratings” (“%satisfied minus %dissatisfied) na may mga klasipikasyong “excellent”, “very good”, “good”, “moderate” at “bad”. Ginagawa ito ng SWS kahit noong panahon pa ni PGMA. At nitong Martes, ang “net satisfaction rating” ni Duterte ay “good” pa rin bagamat bumaba pa rin ng 11 points mula 56% noong Marso sa 45% nitong June.
Pero, ang Pulse-asia ay deretso lamang sa dalawang isyu, “Performance approval” at “trust ratings”.
Si Sen. Antonio Trillanes kinwestyon agad ang mataas na rating ng Pulse-Asia at puro taga-Davao lang daw ang mga survey respondents. Sumagot naman si Ana Marie Tabunda, Research director ng Pulse-Asia nagsabing 70 lang sa kabuuang 430 sa 19 na lungsod at bayan sa Mindanao ang kanilang respondents.
Si Senate Pres. Tito Sotto ay kinuwestyon naman ang SWS sa umano’y “right minus wrong” na “net satisfaction ratings method”. Ayon kay Sotto, hindi ginagamit sa eleksyon ang bilang ng mga bumoboto at umaayaw sa iyo.
Talagang malaki ang pagkakaiba ng SWS survey noong Lunes at sa Pulse asia results noong Biyernes. Sabi ni Senador Lacson, magkaiba dahil nang isagawa ang Pulse-asia survey, hindi pa nangyayari ang “stupid GOD remark” ni Duterte noong June 22. Ayon din kay Ms Tabunda, malaking diperensya talaga ang magkaibang petsa ng dalawang survey.
Pero sa ganang akin, hindi ko rin maintindihan ang ginawa ng SWS nitong huling June 27-30 survey nila. Noong 2017 kasi, ang petsa ng kanilang second quarter survey ay June 23-26. Bakit kaya na-delay ito ng apat na araw? Sinadya ba ito? Pinahinog muna ng husto ang ‘stupid God remark” ni Duterte para mas mababa ang rating na mangyayari?
Kapansin-pansin din na mas maagang lumabas ito noong Lunes at naging headlines ng lahat ng media ang “11% drop” sa lahat ng sector na tinanong ng survey. Nagpista ang mga kritiko ni Duterte at sinabing ito na ang simula ng pagbagsak ng kanyang administrasyon.
Ito namang Malakanyang, kuntodo ang depensa na 65% pa rin ang satisfaction ratings ng Pangulo o bumaba lamang ng 5% mula sa 70% rating noong Marso.
Pero, nabuhusan naman ng yelo ang oposisyon dahil lumabas noong Biyernes ang tumaas pang 88% approval at 87% trust rating ng pangulo mula sa Pulse-Asia.
Parang iniskupan ng mababang rating ng SWS ang mataas na survey ng Pulse Asia? Di kaya?