Ito ay base sa resulta ng survey ng Social Weather Stations (SWS) na inilabas Sabado ng gabi.
Sa survey na isinagawa sa pamamagitan ng face-to-face interviews sa higit 1,200 na mamamayan edad 18 pataas, itinanong kung ano ang ‘tama’ at ‘hindi tamang’ gawin ng gobyerno para maresolba ang sigalot sa West Philippine Sea.
Lumabas na 81 percent ang nagsabing hindi tama na hayaan ang China na bumuo ng mga imprastraktura at magdeploy ng militar sa pinag-aagawang mga teirtoryo.
Umabot naman sa 80 percent ang nagsabing dapat ay palakasin ang kakayahan ng sandatahang lakas lalo na ang Philippine Navy.
Seventy-four percent naman ang nagsabing tama na iakyat ng gobyerno ang isyu sa mga international organizations para magresulta sa diplomatikong paraan ng pagresolba sa sigalot.
Sinabi rin ng 73 percent na dapat magkaroon ng direktang bilateral negotiations ang Pilipinas at China habang 68 percent naman ang nagsabing tama lang na humingi ng tulong ang Pilipinas sa ibang bansa para mamagitan sa isyu.
Samantala, lumabas din sa survery ng SWS na 18 percent lang ng mga Filipino ang may lubhang tiwala sa China, 27 percent ang undecided habang 53 percent ang may maliit na tiwala sa naturang bansa.
Dahil dito, bumagsak ang net trust ng mga Filipino sa China sa -35 na pinakamababa mula 2016 at 42 percent na mas mababa sa +7 na naitala noong March 2018.
Matatandaang noong Huwebes ay naglabas din ng resulta ng isang survey ang Pulse Asia kung saan 73 percent ng mga Filipino ang nagsabing dapat igiit ni Pangulong Rodrigo Duterte ang karapatan ng Pilipinas sa West Philippine Sea.