Umabot na sa halos 50,000 ang naarestong mga tambay na umanoy lumabag sa mga lokal na ordinansa sa Metro Manila.
Batay sa datos ng National Capital Region Police Office (NCRPO), nasa 49,304 ang nahuli mula June 13 hanggang July 13.
Ito ay sa gitna ng implementasyon ng mga ordinansa laban sa iba’t ibang paglabag.
Kalahati sa bilang ang naaresto ng Eastern Police District (EPD) na sakop ang Pasig, Mandaluyong, Marikina at San Juan.
Pinakamarami ang naaresto dahil sa paninigarilyo sa kalsada.
Ang ibang hinuli ay dahil sa ordinansa na bawal ang walang damit pang-itaas at ang pagsusugal.
Pero sinabi ni NCRPO director Chief Supt. Guillermo Salazar na halos 30,000 sa mga hinuli ay binigyan lamang ng warning at pinalaya na rin.
Habang ang iba ay pinagmulta at ang iba pa na mabigat ang kaso ay sinampahan ng reklamo sa piskalya gaya ng nahulihan ng droga at armas.