Sa kauna-unahang pagkakataon ay nagharap na ng personal sina U.S President Donald Trump at Queen Elizabeth II sa Windsor Castle sa U.K.
Si Trump kasama si First Lady Melania ay sinalubong ng mga opisyal ng nasabing bansa bago nakaharap si Queen Elizabeth sa nasabing makasaysayang pagbisita sa Britanya.
Nauna dito ay itinanggi ni Trump na binatikos niya si Prime Minister Theresa May kaugnay sa isang usaping nakapaloob sa business relation ng dalawang bansa.
Sinabi ni Trump na “fake news” ang lumabas na report sa media kasabay ng paghingi ng paumanhin sa British premier.
Ayon kay Trump, “She is a total professional because when I saw her I said, ‘I want to apologize, because I said such good things about you”.
Ang pagbisita ni Trump sa London ay sinalubong ng mga kilos-protesta kung saan sinabi ng U.S leader na nalungkot siya dahil naramdaman niya na hindi siya welcome doon.
Sinabi ng mga ralyista na hindi nila tanggap ang pagbisita doon ni Trump na kanilang tinawag na “American psycho” at racist dahil sa kanyang mga pahayag sa ilang mga kontrobersiyal na issue at government policies.