4 na pulis-Muntinlupa, kulong dahil sa pangingikil

Kalaboso ang apat na pulis-Muntinlupa dahil umano sa pangingikil.

Naaresto sa isinagawang entrapment operation Biyernes ng hapon (July 13) ang mga pulis na sina PO2 Farvy Dela Cruz, PO1 Jon-Jon Averion, PO3 Romeo Par, at SPO1 Psylo Joe Jimenez, na mga miyembro ng Intelligence at Drug Enforcement Unit ng Muntinlupa police.

Ayon sa babaeng alyas “Madam,” nangikil daw ang mga pulis ng aabot sa P300,000 makaraang mahulihan siya ng ilegal na droga.

Pero maliban sa extortion, sinabi ni Madam na sinaktan pa raw siya ng mga pulis at pinasok pa ang kanyang bahay.

Dahil sa sumbong na ito, pinangunahan ng Regional Special Operations Unit ng National Capital Region Police Office o NCRPO ang pag-aresto sa mga pulis sa headquarters ng Muntinlupa City Police Station.

Naging maaksyon ang operasyon, dahil nagtangkang tumakas ang mga suspek na pulis.

Galit na galit naman si NCRPO Chief Guillermo Eleazar sa apat na pulis, lalo’t kamakailan ay may nahuli nang mga pulis na dawit din sa extortion.

Mismong si Eleazar ang nagpasok sa mga pulis sa loob ng kulungan.

Inaalam na ng mga otoridad kung sangkot sa ilegal na droga ang suspek, dahil narekober sa kanilang opisina ng ang ilang drug paraphernalia.

 

Read more...