Sa kasagsagan ng matinding pagbaha na nararanasan sa Calumpit, Bulacan, kinakailangan pa nila ngayong mag-ipon ng sapat na malinis na tubig.
Ito ay dahil maaring putulin ng Calumpit Water District ang suplay ng tubig sa mga residente sa nasabing bayan.
Ayon sa nasabing local water district, kung ang tubig baha ay aabot sa kanilang generators ay kailangang putulin muna ang suplay ng tubig.
Para tiyak na may magagamit na malinis na tubig kung sakaling matuloy ang water service interruption, kinakailangan umanong ngayon pa lamang ay mag-ipon na sapat na tubig ang mga residente sa Calumpit.
Sa ngayon isinailalim na sa state of calamity ang bayan ng Calumpit dahil sa nararanasang pagbaha.
Naghihintay naman ng tulong mula sa pamahalaan ang mga residente.