Winwyn Marquez nagbigay-linaw sa pahayag kaugnay ng pagsali ng transgender sa Miss U
Nilinaw ni Reigning Reina Hispanoamericana Teresita Ssen “Winwyn” Marquez ang kanyang naging komento tungkol sa pagsali ng transgender sa prestiyosong Miss Universe pageant.
Hiling ni Winwyn sa mga tao, basahin umano ang kabuuan ng kanyang sinabi sa naunang panayam at huwag lamang ang headline ng artikulo.
Ayon sa naunang pahayag kay Winwyn, mas gugustuhin niya sanang magkaroon na lamang ng kanilang sariling pageant ang mga trans women at panatilihing para sa mga “natural-born” women ang Miss Universe.
Ang nasabing pahayag ay umani ng puna at batikos kaya naman nilinaw niya sa isang Instagram post nitong Biyernes na basahin sana ng mga tao ang buo niyang komento kung saan sinabi niyang iba man ang kanyang opinyon tungkol sa pagsali ng trans-women sa Miss Universe.
Susuportahan parin naman umano niya si Miss Universe Spain Angela Ponce na isang transwoman at ang magiging desisyon ng Miss Universe organization kung papayagang sumali ang mga trans women sa nasabing pageant.
Ayon pa kay Marquez, ipinagmamalaki niya ang pagkaprogresibo ng LGBTQ community at marami aniya siyang kaibigan na miyembro ng komunidad.
Hinihikayat din ni Winwyn ang mga tao na patuloy na magbahagi ng kanilang mga saloobin patungkol sa isyu, pro man o against.
Dagdag niya, sana lang daw ay basahin ang mga kumpletong sagot bago mambatikos sa pamamagitan ng pambabastos at pag name calling.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.