Magpapakalat ng nasa 200 units ng modern jeepneys sa ilalim ng Public Utility Vehicle (PUV) Modernation Program ang Department of Transportation bago ang State of the Nation Address ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Isiniwalat ito ni DOTr Undersecretary Thomas Orbos sa Philippines Bus and Trucks 2018 Exhibition sa Pasay City.
Aniya, ikakalat ito sa pitong ruta sa iba’t ibang lungsod sa Metro Manila.
Sinabi rin ni Orbos na target ng kagawaran na makapaglabas ng 3,000 unit ng bagong jeep bago matapos ang taon, at 180,000 sa loob ng tatlong taon.
Target ng ahensya na mailatag ang kabuuan ng PUV Modernization Program pagsapit ng 2020. Naglabas na ng P1.5 bilyon ang Development Bank of the Philippines para sa pag-arangkada ng programa.
Sa ilalim nito, papalitan ang mga jeep na 15 taon at pataas ang tanda ng mga bagong disenyo ng jeep na makakatipid ng langis at environment friendly.