Sinabi ng Korte Suprema na kinikilala nito ang manifestation of grave concern ni Marcos pero hindi nito pinagbigyan ang hiling ng dating senador na imbestigahan ang usapin dahil tapos na ang imbestigasyon ng PET.
Hindi naman isinaad sa resolusyon ng Korte Suprema ang resulta ng imbestigasyon sa usapin.
Pinaiimbestigahan ni Marcos ang pagdalo ng revisor ni Robredo na si Osmundo Abuyuan sa isang outing sa Laguna.
Iginiit ng dating senador na ipinagbabawal ang pakikipagkaibigan sa revisors ng kanyang panig o ni Robredo. Aniya pa, mataas ang posibilidad na sa pagsama ng revisor ni Robredo sa PET personnel ay magresulta sa pagpabor sa kampo ng bise presidente.
Una nang sinabi ng kampo ni Robredo na hindi lingid sa kaalaman ni Marcos ang outing dahil inimbitahan din ang kanyang kampo rito. Katunayan din anila ay nagpadala rin ang kampo ng dating senador ng pagkain para sa outing.