Mananatili pa sa susunod na mga araw ang tubig baha sa marmaing bayan sa lalawigan ng Pampanga at sa lalawigan ng Bulacan.
Sa abiso ng Pampanga River Basin and Allied River System, ang pagbaha na nararanasan ngayon sa mga bayan ng Arayat, San Luis, San Simon, Macabebe, Masantol at Apalit sa Pampanga, at sa mga bayan ng Calumpit, Hagonoy, at Pulilan sa Bulacan ay tatagal pa sa susunod na mga araw.
Magpapatuloy din ang nararanasang pagbaha sa Candaba, Pampanga; San Miguel at San Ildefoso sa Bulacan.
Ito ay dahil sa mataas na tubig sa Pampanga River at Candaba swamp na sinabayan ng high tide.
Sa flood bulletin ng Pampanga River Basin, ang water level ng Pampanga River ay nasa 9.30 meters ngayon na mas mataas sa 8.50 meters na critical level nito.
Sa Calumpit Bulacan, umabot mula binti hanggang dibdib ang tubig baha sa mga barangay.
Ayon sa mga residente sa nasabing bayan, maraming barangay ang hindi na mapapasok ng mga sasakyan dahil sa lampas taong tubig baha.
Sa Hagonoy Bulacan naman, 15 barangay ang nakararanas din ng hanggang hitang pagbaha.