3 carnapper patay sa engkwentro sa Quezon City
Binawian ng buhay sa tabing kalsada ang tatlong mga hinihinalang carnapper matapos makipagbarilan sa mga pulis sa Payatas Road, Quezon City.
Sa ngayon ay wala pang pagkakakilanlan ang mga suspek.
Ayon kay Police Senior Superintendent Ronnie Ylagan na siyang Deputy Director for Operations ng Quezon City Police District (QCPD), mayroong itinayong checkpoint sa lugar ang Anti-Carnapping Section ng QCPD matapos makatanggap ng ulat tungkol sa ninakaw na motor.
Lulan ng dalawang motorsiklo ang tatlo at nang mapadaan sa checkpoint ay hindi tumigil ang mga sakay nito at pinaputukan pa ang mga pulis.
Gumanti ng putok ang mga otoridad at doon na nagsimula ang engkwentro.
Maswerteng walang tinamaan sa hanay ng mga pulis, ngunit mayroong tama ng bala ang nakaparadang police mobile sa tabi ng checkpoint.
Narekober mula sa mga nasawing suspek ang dalawang kalibre 38 baril.
Ani Ylagan, mayroon nang umangkin sa isa sa mga motor at sinabing ninakaw ito mula sa kanya.
Samantala, biniberipika pa ng mga otoridad ang natirang motorsiklo upang malaman kung ninakaw din ito.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.