Sa Pulse Asia survey mula June 15 hanggang June 25, nasa 46% ang pabor at 27% ang medyo pabor na dapat igiit ng administrasyong Duterte ang ruling na napawalang-bisa sa nine-dash line claim sa West Philippine Sea portion ng South China Sea.
Nasa 17% ang nasa gitna habang 4% ang medyo tutol at 3% ang tutol sa pagpapatupad ng desisyon.
Aminado naman ang 2% sa 1,800 respondents na wala silang sapat na kaalaman sa siyu para magbigay ng opinyon habang 0.4% ang talagang walang ideya sa desisyon ng international tribunal.
Samantala, umaabot sa 34% ng mga Pinoy ang nagsabi na dapat maghain ang bansa ng diplomatic protest sa Chinese embassy sa Pilipinas laban sa patuloy na militarisasyon ng China sa West Philippine Sea.
Naniniwala naman ang 22% na dapat palakasin ng Pilipinas ang ugnayang militar sa Amerika, Japan, Australia at sa ibang bansa at 16% ang nais na palakasin ng Pilipinas ang kapabilidad ng sariling militar nito sa pagtatanggol sa mga teritoryo ng bansa.
Lumabas din sa survey na mataas pa rin ang tiwala ng mga Pilipino sa Estado Unidos, Japan at Australia kumpara sa China na nasa 17% lamang.