Pamimigay ng cash cards sa jeepney drivers naunsyami
Bigo ang transports officials na maipamahagi ngayong araw ang cash cards para sa mga tsuper ng pampasaherong jeepney.
Ngayong araw ay nakatakda sana ang distribusyon ng nasa sampung libong cash cards, sa ilalim ng Pantawid Pasada Program o PPP sa PUJs.
Bagama’t may seremonya sa punong tanggapan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board o LTFRB, walang naganap na distribusyon ng cash cards.
Paliwanag ni Landbank President Alex Buenaventura, hindi nai-release ang cash cards dahil nagpasya raw ang transport officials na ibigay na lamang ang lump sum na limang libong piso (P5,000), sa halip na P833.00 kada buwan.
Ayon kay Buenaventura, nalaman lamang nila ang desisyon ilang minuto bago ang launching ng PPP.
Paliwanag naman ni LTFRB Chairman Martin Delgra, nagkaroon ng concensus ang mga opisyal ng kaukulang ahensya gaya ng Department of Transportation o DOTr at LTFRB na ipamahagi na lamang ang sampung libong cash cards na naglalaman ng tig-limang libong piso, kaysa sa buwanang P833.00.
Gayunman, sinabi ni Buenaventura na posibleng matagalan ang distribusyon at maaaring mangailangan ng dagdag na pondo upang mai-adjust ang laman ng cash cards o gawing lump sum na ang halaga.
Target namang maipamahagi ang cash cards sa darating na Martes, (July 17) at makumpleto ang distribusyon bago magtapos ang kasalukuyang buwan.
Ang cash cards mula sa pamahalaan ay layong tulungan ang mga jeepney operator at drivers na apektado ng excise tax sa mga produktong petrolyo.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.