“No-El” scenario ni Speaker Alvarez walang basbas ng Malacañang
Tiniyak ng Malacañang na tuloy ang 2019 elections.
Pahayag ito ng palasyo sa pinalulutang ni House Speaker Pantaleon Alvarez na hindi praktikal na magkaroon ng eleksyon sa 2019 dahil sa isinusulong na Pederalismo.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, walang basbas ng palasyo ang isinusulong ni Alvarez na “no elections”.
Sinabi pa ni Roque na matutuloy ang midterm elections sa 2019 alinsunod sa mga pahayag ni Pangulong Duterte pati na ang itinatakda sa 1987 Philippine Constitution.
Ayon kay Roque, ang makakahadlang lamang sa pagdaraos ng halalan sa susunod na taon ay kung mapagtitibay na ang panukalang Federal Constitution bago ang halalan sa 2019.
Niliwanag ni Roque na ang pangulo ay tagapagpatupad ng batas kaya kung ano ang isinasaad ng Saligang Batas ay matutupad partikular ang pagsasagawa ng midterm elections sa 2019.
“Wala po. Gaya ng paulit-ulit na nating sinabi, ang Presidente po ang tagapagpatupad ng ating Saligang Batas; hanggang hindi po mababago ang petsa ng halalan na nakasaad sa ating Saligang Batas”, dagdag pa ng opisyal.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.