Hindi na naman matutuloy ang groundbreaking para sa rehabilitasyon sa Marawi City.
Sa pulong balitaan sa Malakanyang, sinabi ni Task Force Bangon Marawi Chairman Eduardo Del Rosario, ito ay dahil sa nabigo ang Bangon Marawi Consortium na makamit ang mga reqiurement sa financial, technical at legal na aspeto.
June 11 unang itinakda ng Task Force Bangon Marawi ang ground breaking subalit hindi ito natuloy at inurong sa ikatlong linggo ng Hulyo.
Pero ayon kay Del Rosario, dahil sa kabiguan ng consortium muli itong iuurong sa ikatlo o huling linggo ng Agosto.
Tiniyak naman ni Del Rosario na sa kabila ng pagkaantala, nanatiling nasusunod ng kanilang hanay ang timeline na matatapos ang rehabilitasyon sa December 2021.
Dahil sa hindi na makakasama ang Bangon Marawi Consortium, sinabi ni Del Rosario na nakikipag-negosasyon na ang kanilang hanay ngayon sa kompanyang Power China.
Tiniyak din ni Del Rosario na tatalima ang Power China na 75 percent sa kanilang kukuning kompanya ay mga local o Filipino habang ang 25 percent na kompanya ang manggaling sa China.
Kapag nabigo aniya ang Power China sa itinakdang reqiurement ng Task Force Bangon Marawi, muling maglalatag ang National Housing Authority (NHA) gamit ang joint venture agreement para pumili ng bagong kompanya na magsasagawa ng rehabilitasyon sa Marawi.