MPD nagkasa ng manhunt sa nakatakas na preso sa station 9

Nagkasa na ang Manila Police District (MPD) ng manhunt operation sa nakatakas na inmate at drug suspect mula sa kustodiya ng MPD Station 9.

Ayon kay MPD Director, Chief Superintendent Rolando Anduyan, iniutos na niya ang malawakang paghahanap kay Armand Arroyo na nahaharap sa reklamong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act.

Kinumpirma rin ni Anduyan na inaresto na ang ina ng inmate na si Ma. Teresa Arroyo dahil sa hinala na tumulong ito para makatakas ang kanyang anak mula sa banyo ng Ospital ng Maynila.

Alas tres ng madaling araw nang dumaing ang drug suspect ng paninikip ng dibdib at pagkahilo kaya isinugod siya sa ospital kung saan dumating din ang kanyang ina.

Nasa presinto na ng MPD Station 9 ang ina ng inmate at inihahanda na ang reklamong obstruction of justice laban sa kanya.

Samantala, sinabi ni Anduyan na nasampahan na ng reklamo ang dalawang police escort ng nakatakas na inmate.

Sina PO1 Rolly Mendano at PO1 Kelvin Ramirez ay ipinagharap ng reklamong infidelity of public officers na paglabag sa ilalim ng Revised Penal Code.

Nilinaw naman ni Anduyan na hindi kasama si MPD Station 9 Commander, Supt. Robert Domingo sa mga sinibak.

Partikular umanong sinibak sa pwesto ang dalawang police escort at si Chief Inspector Romeo Salvador, deputy station commander na on-duty nang maganap ang pagtakas.

Read more...