PNP: 2.9 percent lang ang napatay sa anti-drug operations

Ipinagtanggol ng Philippine National Police (PNP) ang giyera kontra droga ng gobyerno sa mga ispekulasyong madugo ito.

Sa isang press briefing para sa ulat tungkol sa drug war o #RealNumberPH, sinabi ni Philippine National Police (PNP) Spokesperson Benigno Durana Jr. na 4,354 lamang ang namatay sa isinagawang 102,630 anti-drug operations ng mga awtoridad mula July 1, 2016 hanggang June 30, 2018.

Ang naturang bilang ng mga nasawi ay 2.9 percent lamang kumpara sa 147,802 na naaresto,

Ipinagmalaki pa ng PNP na ang bilang ng mga naaresto ay tumaas pa ng 3.12 percent o 4,467 na suspek kumpara sa naunang datos bago ang July 1, 2016 hanggang June 30, 2018.

Ang bilang naman ng isinagawang anti-drug operations ay tumaas umano ng 3.16 percent o 3,145 operations.

Samantala, sinabi rin ni Durana na 526 kawani ng gobyerno kung saan 229 ay elected officials at 52 ay uniformed personnel ang naaresto dahil sa paglabag sa Republic Act 9165 or the Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Umabot naman sa 1,161 menor de edad ang nailigtas sa mga operasyon sa buong bansa na nailipat na sa mga tanggapan ng Department of Social Welfare and Development.

Ayon pa kay Durana, sinampahan din ng kasong administratibo bunsod ng iba’t ibang paglabag ang 8,526 police personnel mula 2016.

Sa naturang bilang 398 ang sangkot sa iligal na droga, 172 ang nagpositibo at 226 ang nahuling sangkot sa kalakaran nito.

Patunay lamang anya ito na hindi kinukonsinte ng PNP ang anumang maling gawain sa kanilang hanay.

Read more...