Inanunsyo ng gobyerno ng Sri Lanka na sisimulan na ang parusang ‘death by hanging’ o pagbitin sa mga kriminal na masasangkot sa iligal na droga.
Ayon sa Sri Lankan government, ito ay bilang paggaya sa tagumpay ng Pilipinas sa giyera kontra droga.
Sa isang cabinet meeting sinabi ni Sri Lankan President Maithsipala Sirisena na handa siyang lumagda sa death warrants ng sinumang muling maaresto dahil sa droga.
Ayon kay Spokesman Rajitha Senaratne handa rin umanong ideploy ng presidente ang militar para tumugon sa problema sa droga.
“We were told that the Philippines has been successful in deploying the army and dealing with this problem. We will try to replicate their success,” ani Senaratne.
Handa na anya ang kanilang bansa na ibitin ang sinumang drug suspect ng hindi pinapalitan ang parusa sa pamamagitan ng life imprisonment simula noong 1976 kung saan huling isinagawa ang parusang bitay.
Umalma naman ang grupong Amnesty International sa plano ng Sri Lanka na muling ipatupad ang death penalty at sinabing dapat nitong ipagpatuloy ang magandang record ng bansa.
“Sri Lanka must pull back from any plans to implement the death penalty and preserve its longstanding positive record on shunning this cruel and irreversible punishment,” ayon sa Amnesty International.
Gayunman, iginiit ng gobyerno ng Sri Lanka na kailangan ng mas matapang na tugon para maihinto na ang paglala pa ng problema sa iligal na droga.
Bagaman walang death penalty sa Pilipinas ay higit 4,300 na ang nasasawi sa mga operasyon ng mga awtoridad ayon mismo sa datos ng Philippine National Police (PNP) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).