Dalawang beses nang binatikos ng Indian Supreme Court ang pamahalaan ng nasabing bansa dahil sa mabagal na pagsasaayos ng Taj Mahal.
Noong nakaraang buwan, pinatutsadahan ng isang judge ang federal government ng India dahil wala itong nagawa matapos sabihin ng environmentalists na nasisira na ang kulay ng isa sa New 7 Wonders of the World dahil sa polusyon sa lugar at dami ng dumi ng insekto dito.
Ikinagalit pa ng Korte nitong Miyerkules ang kawalan ng vision document ng pamahalaan upang ma-preserve ang monumento.
Kaugnay nito ay inutusan ng Korte Suprema ng India na maglabas ang pamahalaan ng kumpletong detalye ukol sa kanilang ginagawa upang maisaayos at maprotektahan ang Taj Mahal.
Samantala, bilang tugon ay sinabi ng pamahalaan na sa ngayon ay tinitingnan pa nila ang lebel ng polusyon sa lugar at matapos ang apat na buwan ay saka pa lamang sila makapagbibigay ng report.
Sa July 31 nakatakdang isagawa ang pagdinig ukol sa naturang isyu.