Mas pinabigat na anti-hazing law nilagdaan na ni Duterte

By Chona Yu July 11, 2018 - 07:29 PM

Nilagdaan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Republic Act 11053 o Anti-Hazing Act of 2018.

Sa ilalim ng bagong batas, ipagbabawal na ang anumang uri ng hazing sa mga fraternities, sorrorities at iba pang organisasyon.

Bagama’t pinapayagan ang initiation, kinakailangan muna na humingi ng permiso sa mga kaukulang otoridad ng paaralan pitong araw bago ang initiation rites.

Hindi rin dapat lumagpas ng tatlong araw ang gagawing initiation activities sa mga bagong miyembro ng fraternity, sorrority o anumang organisasyon.

Binigatan din ng bagong batas ang parusa sa hazing depende sa kahinatnan o pinsalang idinulot nito sa biktima.

Kapag nauwi sa pagkamatay, rape, sodomy, mutilation o pagkakaputol ng alin mang bahagi ng katawan ng biktima ang hazing, papatawan ng parusang reclusion perpetua o habambuhay na pagkakakulong at multang P3 Million ang mapatutunayang direktang sangkot sa krimen.

Ang mga school authorities, kabilang ang faculty members, gayundin ang mga barangay, municipal o city officials ay pananagutin din bilang accomplice o kasabwat at mahaharap sa kasong administratibo lalo na kapag napatunayang pinayagan nila ang hazing ng fraternity, sorrority o ibang organisasyon.

Pasok din dito ang mga nabanggit na opisyal kapag napatunayan na may alam sila sa mangyayaring hazing pero hindi sila gumawa ng aksyon para ito’y mapigilan at hindi iniulat sa mga alagad ng batas kahit wala namang peligro sa kanila o sa kanilang pamilya.

Papatawan din ang mga ito ng P1 Million at ng reclusion temporal o hanggang tatlumpung taong pagkakakulong.

Nabatid na noon pang June 29, 2018 nilagdaan ni Pangulong Duterte ang bagong batas.

TAGS: anti hazing law, duterte, fraternity, sorrority, anti hazing law, duterte, fraternity, sorrority

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.