Ang nasabing modus ay tinawag na “marriage-for-job” racket na natuklasan matapos iulat ng Department of Foreign Affairs (DFA) na may limang Pilipina ang stranded ngayon sa Tongxu, Henan Province at umaapela ng tulong sa gobyerno para makauwi sa Pilipnas.
Ayon sa POEA, ang limang Pilipina ay ni-recruit umano ng dalawang Chinese na kinilalang sina Song Gang at Li Chunrong alyas Steven Lee na kasal sa isang Violeta Aquino, isang Pilipina mula sa Urbiztondo, Pangasinan.
Nangako umano ang dalawang Chinese na bibigyan ng trabaho ang mga Pilipina sa China.
Isa umano mga Pilipinang narecruit ay ikinasal sa isang Chinese na nagngangalang Wei Qi Lai na nagtungo sa Pangasinan bilang turista.
Isinagawa ang kasal matapos umanong mangako si Lee na bibigyan nito ng ‘dowry’ ang kanyang pamilya na nagkakahalaga ng P140,000 pagkatapos niyang ikasal kay Wei at kapag nakuha na niya ang kanyang Chinese Visa.
Pero P100,000 lamang umano ang naibigay sa pamilya ng Pilipina dahil ibinawas ang gastusin sa kasal at pagproseso ng kanyang dokumento.
Bumiyahe patungong China ang Pilipina at ang iba pang narecruit na ikinasal din sa mga Tsino pero hindi raw pala kayang suportahan ng kanilang napangasawa ang kanilang pamilya at hindi rin sila pinayagan na makahanap ng trabaho sa China.
Isa umano mga Pilipino ay nagreklamo rin na binubugbog at dumaranas ng sekswal na pang-aabuso mula sa kanyang asawang Tsino.
Sa tala ng DFA, umaabot na sa 23 ang bilang ng mga Pilipinang nagpakasal sa Chinese sa pag-asang magkakaraon ng trabaho sa China.