Bilang pag-alala sa mga nasawi dahil sa super bagyong Yolanda na nanalasa sa Leyte dalawang taon na ang nakakalipas, hindi bababa sa 50,000 kandila ang sisindihan sa mga kalsada sa apat na bahagi ng probinsya.
Ayon kay Msgr. Alex Opiniano na pari sa parokya ng St. Michael Archangel sa bayan ng Tolosa, ang Yolanda candlelight memorial ay para alalahanin at ipagdasal ang mga biktima ng nangyaring sakuna.
Sa November 8 ng 7:00 ng gabi, sisimulan ang pagsisindi ng mga kandila sa lungsod ng Tacloban, at mga bayan ng Palo, Tanauan at Tolosa.
INaasahang aabot sa 24 kilometro ang pagtitirikan ng mga kandila bukod pa sa mass burial sites sa Palo at Tanauan.
Sa umaga naman ay pangungunahan ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle ang isang misa sa Palo Metropolitan Cathedral sa Palo, at isa pang misa naman sa hapon sa Santo Niño Church ang pangungunahan naman ni Palo Archbishop John Du.
Ayon naman sa organizer ng One Tacloban na mamumuno sa nasabing candle lighting event, may parehong event din na mangyayari sa London ng 10 ng umaga.