Robredo tinawag na “incompetent” ni Duterte
Makaraang ihayag ni Vice President Leni Robredo na siya na ang tatayong lider ng oposisyon ay kinontra ni Pangulong Rodrigo Duterte ang nasabing pahayag.
Sa panayam sa pangulo mula sa Clark Freeport Zone sa Pampanga ay kanyang sinabi na hindi uubra si Robredo na mamuno sa oposisyon.
Lalong hindi siyang pwedeng maging pinuno ng bansa ayon sa pangulo sakaling maamyendahan ang Konstitusyon.
Pahayag ni Duterte, “I don’t think she will ever be ready to govern the country. Reason? Incompetence”.
Nilinaw rin ng pangulo na kapag naisayos na ang kanilang inilalatag na sistem ng pamahalaan tungo sa Pederalismo ay kaagad siyang bababa sa pwesto.
Bagama’t hindi umano maituturing na desisyon, ang kanyang alok na pagbaba sa pwesto ay suhestyon para sa maayos na power transition.
Pero inamin ng pangulo na kung hindi papayag ang publiko na bumaba siya sa pwesto ng maaga sa taong 2022 ito ay wala siyang magagawa kundi tapusin ang kanyang termino bilang lider ng bansa.
Sa nasabi ring talumpati ay nilinaw ng pangulo na hindi niya binabatikos ang Simbahang Katolika kundi ang ilang mga pari na ginagamit ang relihiyon sa pamumulitika.
Tumanggi naman ang pangulo na idetalye pa ang naging laman ng kanilang one-on-one meeting ni Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) President Romulo Valles.
Pero nanindigan si Duterte na hindi siya hihingi ng paumanhin sa kanyang mga nasabi.
“As a matter of principle, I will not”, dagdag pa ng pangulo.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.