Inaprubahan na ng gabinete ang P3.757 trilyon budget para sa taong 2019.
Ayon kay Presidential spokesman Harry Roque, ginawa ang pag-apruba sa cabinet meeting kagabi sa Malacañang.
Sinabi naman ni Budget Secretary Benjamin Diokno na walang pagbabago sa kasalukuyang national budget ang naaprubahan para sa susunod na taon.
Gayunman, ayon sa kalihim, ang kagandahan ngayon ay “cash-based” at hindi na “obligation-based” o ang nakagawian sa nakaraang naglalagay ng alokasyon na wala pang available na pagkukunan ng pondo.
Aniya, “Parehas lang ng sa 2018 budget. Obligation-based budget iyon pero sa 2019 magiging cash-based budget. Rationale bakit hindi nag-increase: binago na namin ‘yong pag ba-budget. Magiging annual cash based budget so ‘yong in a way mas mababa ang cash based this year.”
Pinakamalaki pa ring alokasyon sa 2019 ay mapupunta sa edukasyon, Department of Public Works and Highways habang kasama rin sa 10 may pinakamalaking alokasyon ang Department of Transportation, Department of National Defense, Department of Interior and Local Government, Department of Health at Autonomous Region in Muslim Mindanao.
Nilinaw naman ni Sec. Diokno na wala pang alokasyon sa 2019 budget para sa hakbang na baguhin ang porma ng gobyerno patungong pederalismo.