Cash card ipinamahagi na sa mga manggagawa na naapektuhan ng Boracay closure
Sinimulan na ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang pamamahagi ng comprehensive package assistance sa may 10,000 manggagawa na nawalan ng trabaho dahil sa pansamantalang pagsasara sa Isla ng Boracay na sumasailalim sa rehabilitasyon.
Pinangunahan ni DOLE Secretary Silvestre Bello III ang pamamahagi ng cash card sa mga benepisyaryo ng Boracay Emergency Employment Program (BEEP)-Adjustment Measures Program, at ang pamamahagi ng pinansyal na tulong sa mga manggagawa na benepisyaryo ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) Program.
Sinabi ni Bello na mahigit 20,000 manggagawa ang target nilang mabigyan ng ayuda.
Sa ilalim ng Adjustment Measures Program ng DOLE, ang mga regular na manggagawa na nawalan ng trabaho ay makakatanggap ng P4,200 na buwanang tulong pinansyal sa loob ng anim na buwan.
Ang mga retained workers na hindi regular na nakakatanggap ng regular na sahod ay tatanggap naman ng mahigit dalawang libong pisong buwanang cash aid sa loob ng tatlong buwan.
Nagkakaloob din ang DOLE ng tulong sa mga manggagawa sa informal sector sa pamamagitan ng pagbibigay ng emergency employment sa porma ng tatlumpung araw na community work kapalit ng P9,700 na sahod sa bawat benepisyaryo.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.