Nanindigan ang Palasyo ng Malakanyang na hindi naging matapang ang mga obispo sa ipinalabas na pastoral statement ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP).
Paliwanag ni Presidential Spokesperson Harry Roque, hindi na bago para sa Malakanyang ang laman ng pastoral letter ng CBCP.
Sinabi ni Secretary Roque na noon pa mang panahon ni dating pangulong Gloria Macapagal Arroyo ay matagal nang binabatikos ng Simbahang Katolika ang gobyerno.
Halimbawa na anya ang naging pahayag ng CBCP na araw-araw na ang nagaganap na patayan sa bansa.
Ayon kay Roque, nasubaybayan niya ito dahil aktibo siya noong sa mga isyu ng pagpatay bilang huma rights lawyer.
Sinabi pa ni Roque na inaakala niyang mas magiging mapusok at matapang ang pastoral statement ng CBCP. Subalit sa tingin niya ay maamo naman ito.
Wala rin anya siyang narinig na tahasang pagkondena ng simbahan bagay na iniiwasan din anya ng mga obispo na magpahayag ng tahasang komprontasyon sa kanilang pastoral statement.
Umaasa naman si Roque na matapos ang pagpupulong nina Pangulong Rodrigo Duterte at CBCP President Archbishop Romulo Valles ay magiging maayos na ang relasyon ng Simbahang Katolika at ng Estado.