2 miyembro ng Basag-Kotse Gang patay sa Quezon City

By Justinne Punsalang July 10, 2018 - 04:30 AM

Patay ang dalawang hinihinalang miyembro ng Basag-Kotse Gang matapos magkaengkwentro sa kahabaan ng Capitol Hills Drive na sakop ng Barangay Matandang Balara sa Quezon City.

Sa ngayon ay wala pang pagkakakilanlan ang mga nasawing suspek.

Ayon kay Quezon City Police District (QCPD) director, Chief Superintendent Joyet Esquivel, nakaparada sa tapat ng isang convenience store ang isang TNVS driver habang naghihintay ng pasahero nang makarinig siya ng malakas na kalabog.

Nang tingnan niya ay doon nito nakitang binasag na pala ng dalawang suspek ang salamin ng kanyang kotse.

Bago pa man mapagnakawan ng dalawa ang sasakyan ay sumigaw ang driver, dahilan upang tumakas ang mga ito sakay ng isang motorsiklo.

Sakto naman na mayroong isang pulis na nakasibilyan na nasa loob ng convenience store na agad rumespunde sa insidente at hinabol ang riding-in-tandem.

Sa pagtakas ng mga ito ay napadaan sila sa isang checkpoint kung saan kanilang pinaputukan ang mga pulis.

Dahilan ito upang tugisin ng mga otoridad ang dalawa at nauwi sa engkwentro ang habulan na nagresulta sa agarang pagkamatay ng mga suspek.

Narekober mula sa mga ito ang dalawang kalibre 38 baril, at isang bag na naglalaman ng limang sachet ng hinihinalang shabu at mga drug paraphernalia.

Paalala ni Esquivel sa mga motorista, iwasang mag-iwan ng mga importanteng bagay sa loob ng sasakyan at laging buksan ang alarm upang makaiwas sa pambibiktima ng mga masasamang loob.

TAGS: Basag Kotse Gang, Joyet Esquivel, QCPD, quezon city, Basag Kotse Gang, Joyet Esquivel, QCPD, quezon city

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.