Mas malakas na buhos ng ulan asahan bukas ayon sa PAGASA

Bahagyang humina ang bagyong Gardo habang binabagtas ang Hilagang bahagi ng bansa pero nananatili pa rin ang taglay nitong malakas na ihip ng hangin.

Ayon sa PAGASA, Lunes ng hapon ay huling namataan ang bagyo 1,015 kilometro East Northeast ng Basco, Batanes.

Taglay nito ang lakas ng hangin na 185 kilometro kada oras at bugsong 225 kilometro kada oras.

Tinatahak ng Gardo ang West Northwest sa bilis na 30 kilometro kada oras.

Inaasahang lalabas ang bagyong Gardo ng Philippine Area of Responsibility (PAR) Miyerkules ng umaga.

Sinabi ni Pagasa weather specialist Ariel Rojas na makakaranas ng ulan bunsod ng Habagat ang MIMAROPA at Western Visayas hanggang Miyerkules.

Asahan naman ang panaka-naka hanggang s amalakas na buhos ng ulan sa Metro Manila, CALABARZON, Bicol Region, Zambales, Bataan at Aurora hanggang Martes.

Sa Miyerkules, makakaapekto ang monsoon rains sa malaking bahagi ng Luzon lalo na sa kanlurang bahagi ng rehiyon.

Nagbabala ang Pagasa na mapanganib ang paglalayag sa Northern at Eastern seaboards ng Northern Luzon.

Samantala, ang low pressure area (LPA) sa West Philippine Sea ay hindi magkakaroon ng direktang epekto sa bansa sakaling maging bagyo ito pero magpapaulan ito hanggang Biyernes.

Read more...