Sa halip na gastusin para sa drug testing ng mga elementary pupils, sinabi ni Senator Win Gatchalian na maaring makabuti kung ang pondo ay gamitin na lang sa pagkuha ng mga karagdagang guidance counselors ng Department of Education.
Giit ni Gatchalian ang P2.8 Billion na kakailanganin para sa drug testing ng Grade 4 pupils hanggang Grade 12 senior high students ay magiging mas kapakipakinabang kung ikukuha na lang ng mga guidance counselors sa elementarya at high school.
Makakabuti din aniya sa 14 milyong estudyante kung sila ay mahaharap ng guidance counselors para sa kanilang suliranin sabay diin maari pang ma-trauma ang mga estudyante kung sa murang edad ay sasailalim na sila sa drug testing.
Una nang inilatag ni PDEA Director General Aaron Aquino ang balak nila na isalang na sa drug testing maging ang Grade 4 pupils pataas dahil seryoso na ang sitwasyon ng droga sa mga paaralan maging sa hanay ng mga estudyante.
Magugunitang ang Malacañang pa rin ang Department of Education ay nagsabi na hindi sila pabor sa drug testing para sa mga batang mag-aaral.