Napikon si Social Welfare Sec. Dinky Soliman sa patutsada ng kampo ni Vice-President Jejomar BInay na mas inuna ang kalihim na ikampanya ang mga kandidato ng administrasyon imbes na tulungan ang mga biktima ng bagyong Lando.
Inamin ni Soliman na nasa Cotabato City siya noong weekend para pangunahan ang programa ng DSWD na dinaluhan ng halos ay limang libong mga beneficiaries ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (PPP).
Aminado si Soliman na guest speakers sa nasabing event ang pambato ng Liberal Party na sina Mar Roxas at Congresswoman Leni Robredo pero ito raw ay nagkataon lang at walang halong pamumulitika.
Nauna nang binatikos ng isa sa mga tagapagsalita ni Vice-President Jejomar Binay na si Atty Rico Quicho ang umano’y kapabayaan ni Soliman sa kanyang tungkulin.
Sinabi ni Quicho na imbes na unahin ang trabaho na tiyaking may pagkain ang mga biktima ng bagyo ay naging busy si Soliman sa pagkampanya kina Roxas at Robredo.
Ikinatwiran ni Soliman na tatlong araw bago pa man nanalasa sa bansa ang bagyong Lando ay nakahanda na ang mga food packs na ipamimigay sa mga biktima ng kalamidad.
Bilang patunay, ipinagmalaki pa ni Soliman na dumalo siya sa October 16 briefing na pinangunahan mismo ni Pangulong Noynoy Aquino.
Sinabi rin ni Soliman na hindi dapat gamitin ang kalamidad na isyu sa ginagawang pamumulitika ng kampo ng Pangalawang Pangulo.