Bagyong Maria, nakapasok na ng bansa, pinangalanang Gardo ng PAGASA
Nakapasok na ng bansa ang bagyong Maria at pinangalanan itong Gardo ng PAGASA.
Ayon sa PAGASA, huling namataan ang Typhoon Gardo sa 1,325 kilometers East ng Basco, Batanes.
Taglay nito ang lakas ng hanging aabot sa 200 kilometers bawat oras malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 245 kilometers bawat oras. Kumikilos ang bagyo sa bilis na 30 kilometers bawat oras sa direksyong West Northwest.
Ayon sa PAGASA, bagaman walang direktang epekto sa bansa ay palalakasin ng Typhoon Gardo ang Southwest Monsoon o Habagat at maghahatid ng monsoon rains sa MIMAROPA at Western Visayas. Magdudulot na din ito ng occasional rains sa Metro Manila, CALABARZON, Bicol Region, Zambales, Bataan, at Aurora hanggang bukas, araw ng Martes.
Sa Miyerkules, maaapektuhan na ng monsoon rains ang mas malaking bahagi ng Luzon, partikular ang western section nito.
Pinayuhan ng PAGASA ang mga residente sa nabanggit na mga lugar na maging maingat sa posibleng pagbaha at landslides.
Kung hindi magbabago ang kilos ng bagyo, sa Miyerkules ng umaga ay inaasahang lalabas ito ng Philippine Area of Responsibility pero patuloy na hahatakin ang Habagat.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.