Posibilidad na pagkakaugnay ng mga pagpatay sa mga opisyal pinasisiyasat sa NBI
Inatasan na ng Department of Justice (DOJ) ang National Bureau of Investigastion (NBI) na alamin kung magkakaugnay ang sunud-sunod na pagpatay sa mga lokal na opisyal at kung may kinalaman ito sa sinasabing destabilization plot laban sa gobyerno.
Ayon kay Justice Secretary Menardo Guevarra, nagbigay na siya ng direktiba sa ahensya para imbestigahan ang pagpatay kay Trece Martires, Cavite Vice Mayor Alex Lubigan.
Nais ng kalihim na malaman kung mayroong ‘pattern’ o magkakaugnay ang tatlong kaso ng pagpatay na naganap lamang sa loob ng isang linggo.
Si Lubigan ang ikatlong pinatay matapos ang pamamaslang kina Tanauan, Batangas Mayor Antonio Halili at General Tinio, Nueva Ecija Mayor Ferdinand Bote.
Gusto ni Guevarra ng agarang resulta at partikular na pinatitingnan kay NBI Director Dante Guerran ang anggulo ng planong pagpapabagsak sa gobyerno.
Matatandaang kamakailan ay ipinahayag ng palasyo na ang posibilidad na angmagkasunod na pamamaslang kina Halili at Bote ay maaaring sinadya ng ilang pwersa para mapababa ang kumpyansa ng publiko sa pangulo.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.