Comelec umaasang magpapatuloy ang mababang election-related violence
Umaasa ang Commission on Elections (Comelec) na magpapatuloy ang mababang bilang ng violent incidents sa nakatakdang May 2019 midterm elections.
Sa Tinapayan Forum sa Maynila kahapon, sinabi ni Comelec Spokesman James Jimenez na patuloy ang naging pagbaba ng violent incidents simula ng pasinayaan ang automated election system noong 2010.
Sa katunayan nga anya ay mas mababa ng 50 porsyento ang karahasang naitala para sa nagdaang Barangay at Sangguniang Kabataan elections kumpara sa eleksyon noong 2013.
Dahil dito ay umaasa anya siya na magpapatuloy ang pagiging mapayapa ng eleksyon.
Tumanggi namang magkomento ang opisyal kung sa tingin niya ay magiging madugo ang 2019 elections dahil sa mga pagpatay dahil ayaw niya anyang magbigay ng ispekulasyon.
Gayunman ay hindi naman pwedeng magbulag-bulagan sa nangyayari sa kasalukuyan.
Matatandaang tatlong opisyal ang nasawi sa magkakahiwalay na insidente ng pamamaslang sa nagdaang linggo.
Sinabi naman ni dating Interior Secretary Rafael Alunan na kasama rin sa forum na maaaring ang pagpatay sa mga opisyal ay may kinalaman sa darating na eleksyon.
Ayon kay Alunan, mayroong gumagamit ng posisyon para hadlangan ang mga posibleng kalaban sa halalan.
Dahil dito, sinabi ng dating opisyal na marapat nang alamin ng Comelec at ng pambansang pulisya ang election hostpots para makontrol agad ang sitwasyon.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.