Matapos ang tatlong araw na walang halos tigil na pag-uulan sa Southern Japan ay umakyat na sa 48 ang namamatay habang 28 naman ang ‘presumed dead’ ayon sa gobyerno.
Ayon kay Japanese government spokesman Yoshihide Suga, mayroon pang 92 ang nawawala na karamihan ay sa Timog na bahagi ng Hiroshima prefecture.
Nakatanggap na rin anya sila ng mga ulat na mahigit 100 na ang nasasawi, mga kotseng inaagos ng tubig.
Sinabi ni Prime Minister Shinzo Abe sa isang pulong balitaan na kalaban ng mga rescuers ang oras ngunit ginagawa naman ng mga ito ang lahat ng kanilang makakaya.
Ang pagtiyak sa bilang ng casualties ay pahirapan pa sa gobyerno dahil sa laki ng lugar na napinsala ng pag-uulan, pagbaha at pagguho ng lupa.
Ibinabala rin ng mga awtoridad na maaari pang magkaroon ng mga pagguho ng lupa kahit huminto na ang pag-ulan.
Sinasabing ang kalamidad ay maaaring ang pinakamalala matapos ang ilang dekada.
Ayon sa Japan Meteorological Agency, ang rainfall amount sa isang lugar lamang sa Kochi prefecture ay nakapagtala ng 26.3 centimeters na pinakamataas simula noong 1976.
Maraming puno at poste na ang bumagsak habang marami ring kabahayan at sasakyan ang lumubog sa baha at lupa.
Ipinadala na ng gobyerno ang 40 helicopters para magsagawa ng search and rescue operations.