Naungusan na ni Senator Grace Poe si Vice President Jejomar Binay sa pinakabagong Presidential Survey ng Pulse Aisa.
Sa nasabing survey na ginawa mula May 30 hanggang June 5, nakakuha si Poe ng 30%, mas mataas kumpara sa 22% ni Binay. Tumaas din ang ranking ni Davao City Mayor Rodrigo Duterte na ngayon ay nasa ikatlong pwesto na at nakakuha ng 15%.
Kapwa naman nasa ika-apat na pwesto sina Department of Interior and Local Government (DILG) Sec. Mar Roxas at Manila Mayor Joseph Estrada na parehong may 10%. Nasa pang-limang pwesto si Senator Miriam Defensor-Santiago – 9%, at patas sa pang-anim na pwesto sina Senators Alan Cayetano at Panfilo Lacson na kapwa nakakuha ng 2%.
Ito ang kauna-unahang pagkakataon na nanguna si Poe sa Presidential Survey. Sa mga nakaraang survey kasi ng Pulse Asia si Binay, ang palaging top choice sa pagka-Pangulo.
Sa parehong survey result, si Poe rin ang nanguna sa Vice Presidential Survey na nakakuha ng 41%.
Sumunod kay Poe si Escudero – 15%, Sen. Alan Cayetano – 12%, Duterte – 9%, Marcos – 9%, Lacson – 6%, Trillanes – 5% at Robredo 1%.
Sa panayam kay Binay, sinabi nitong ang latest result ng Pulse Asia Survey ay magsisilbing “wake up call” para sa kaniya. Pero naniniwala din si Binay na bagaman nagpapabago-bago ang resulta ng survey, hindi naman mababago ang kaniyang determinasyon na tumakbo sa pagka-Pangulo.
Ayon kay Binay, ilang ulit rin siyang sumabak sa pulitika at ilang beses siyang naging “underdog” pero sa huli, siya pa rin ang pinipili ng taumbayan.
Nang tanungin naman si Binay kung ano ang gagawin niyang pamamaraan para muling mapaangat ang kaniyang ratings sa survey, tanging “secret” lamang ang isinagot ng Bise Presidente.
Samantala, sa panayam kay Poe, sinabi nitong mahalaga para sa kaniya ang tinig ng taumbayan.
Matapos malaman ang resulta ng latest Presidential Survey, sinabi ni Poe na kasama siya ng sambayanan na naghahangad ng isang bansang makakapamuhay ang bawat Filipino ng may patas na oportunidad at pagkakataong umunlad. / Dona Dominguez-Cargullo with reports from Ricky Brozas and Chona Yu
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.