Patuloy na tinatahak ng bagyong Maria ang direksyong hilagang kanluran papalapit ng Pilipinas.
Sa 4pm weather advisory ng PAGASA, huling namataan ang naturang bagyo sa layong 1,625km silangan ng Northern Luzon at nananatiling nasa labas ng Philippine Area of Responsibility (PAR).
Lumakas pa ang dala nitong hangin na ngayon ay nasa 190km bawat oras na may pagbugsong aabot sa 235km kada oras.
Bahagya ring bumilis ang pagkilos ng bagyo sa 23km kada oras sa direksyong hilagang kanluran.
Ayon sa PAGASA, pinalakas ng bagyong Maria ang umiiral na hanging habagat kaya naman makaararanas ng mahina hanggang sa katamtaman na paminsan ay mabigat na pag-ulan at thunderstorm ang Metro Manila, CALABARZON, MIMAROPA, Western Visayas, maging ang mga probinsya ng Cagayan, Isabela, Quirino, Aurora, Bataan, at Zambales.
Paalala ng ahensya, mag-ingat sa posibilidad ng flashflood at landslide.
Para naman sa nalalabing bahagi ng bansa, asahan ang bahagya hanggang sa maulap na papawirin na may kalat-kalat na pag-ulan dulot ng localized thunderstorms.